Babae kasi ehh... Yan ang sabi ng marami... Eto naman ang aking say.
Sa maraming pagkakataon, higit na apektado ang mga kababaihan. Maraming kwento ang magpapatunay nyan.... heto ang ilan:
“Nung tumaas po ang mga pangunahing bilihin, natataranta ang nanay ko, balisa . At parang byernes santo ang mukha sa pagkwneta ng dapat gastusin sa araw-araw. Gusto nyang pagkasyahin ang 150 pisong kinita ng tatay ko sa araw ding iyon sa pagtatawag ng pasahero sa bus terminal.” kwento sa akin ng isang batang marusing.
“Sino ba ang nagbubuntis? Bakit pag-iniluwal ko ba 'tong batang 'to pakakaiinin nila? Pag-aaralin ba nila? Hindi tama na ipagbawal ang kontraseptibo dito sa lungsod namin. Hindi man tama, pero wala kaming magawa. Saan kami kukuha ng libreng pills at pang-inject? Kung alam nyo lang kung anong hirap ang pinagdadaanan ko sa twing magbubuntis at manganganak ako. Mahirap ang umiri. Palaging nalalagay ang isang paa ko sa hukay ni kamatayan. HIndi biro ang kalagayan ko. Paano kaya kung ang lalaki o si Mayor ang magbuntis, ipagbawal pa kaya nya ang kontraseptibo?” umiiyak na pahayag ng isang ina na may 7 anak.
“Nag-away na naman po sila kagabi. Galit na galit po si tatay pag-uwi nya sa bahay. 'di daw kasi nagluto si nanay ng kanin at ulam, ehhh. Ano naman pong ibibili ni nanay? Wala naman po kaming pera. Walang iniwan si tatay. Sinuntok si nanay sa tyan. Opo, kitang-kita ko! Umiiyak sya sa sakit. Tapos, sinisigawan sya ni tatay na tamad daw sya. Walang kwenta. Tapos, sumagot si nanay at sinabi yung totoo na wala naman talagang iniwan na pera si tatay. Tapos, ayun, sinampal sya sa muka at sinuntok. Dumugo ang bibig ni nanay. Umiiyak sya. Umiiyak din kaming magkakapatid. Wala kaming nagawa kahit kapitbahay namin. Tapos na sila mag-away, matutulog na kami. Naririnig ko sabi ni nanay tama na, di ko na kaya. Yumuyugyog ang sahig namin. Medyo matagal din. Tapos, tumigil ang pagyugyog, narinig ko si nanay umiiyak. Si tatay naghihilik na. Parang barko. Tapos nun, kanina, dinala ng mga kapit-bahay si nanay. Dinugo kasi sya. Madaming dugo sa binti nya. Buntis pala si nanay. Pang anim na sana naming kapatid yun, kaso yun, hindi kinaya ang suntok ni tatay.” malungkot na kwento ng 12 anyos na bata sa akin matapos kaming maglaro.
Madalas akong makarinig ng kwento ng mga pang-aabuso sa kababaihan. Bagay na nagiging inspirasyon ko para mabago ang lipunang ginagalawan ko at ng mga kababaihan sa lipunan. Sa tatlong taong pakikisalamuha ko sa grupo ng mga kababaihan, nakita ko ang halaga ng pagiging babae. Nakita ko ang tunay nilang kapangyarihan at lakas. Bagay na hindi kinikilala ng marami.
Hindi palaging malungkot ang kwento pagdating sa babae. May mga makulay at kahanga-hangag pangyayari na ang mga kababaihan ang dahilan.
Si Lina, Gina, Jerelyn at marami pang ibang babaeng lider sa komunidad ay masigasig na nagtataguyod ng kagalingan ng kababaihan. Nagbibigay sila ng mga pag-aaral tungkol sa kalusugan at karapatan ng mga kababaiahan minsan sa isang buwan. Itinuturo nila ang halaga ng kababaihan sa pagbabago at pag-unlad ng lipunan. Gayundin, tinutulungan nila ang mga kababaihan na magdesisyon para sa sarili. Ipinauunawa nila na ang bahagi ng babae sa lipunan ay hindi lamang nagsisimula at natatapos sa pagiging ina. Ang pananakit sa kababaihan ay isang uri ng karahasan na dapat itigil. Nagbibigay lunas din sila sa mga karaniwang karamdaman ng mga kababaihan at maging lahat ng kasapi ng komunidad. Nakikipag-usap din sila sa lokal na pamahalan upang pondohan ang mga aktibidad at pangangailangang pangkalusugan ng kapwa nila babae. Si Lina, kagawad na ngayon. Dati-rati'y sa bahay lang at naghihintay sa pag-uwi ng asawa. Si Gina, health worker at presidente na ng homeowners. Dati-rati'y kahit sariling sakit at pangangailangan hindi matugunan. Si Jerelyn na dating kimi, ngayon ay tagapagsalita na ng samahan ng mga kababaihan sa isang relocation site.
Marami pang kwento na hindi nakaka-iyak, nakakatakot at nakakabahal ang pwedeng ibahagi ko sa inyo tungkol sa babae at pagiging babae. Masaya, maunlad, patas, kinikilala, may respeto at makabuluhang buhay ng babae sa komunidad. Ilan lamang sina Lina, Gina at Jerelyn sa mga kwentong ito. Ilan lamang sila sa mga kababaihan na naghahangad at kumikilos ng pag-unlad at pagbabago sa lipunan at kababaihan.
This is my entry to the Filipina Writing Project
http://w3o.blogspot.com/2007/07/filipina-seo-keyword-campaign.html